swimsuit
POSTED AT 03:09 AM
Pumunta kami ng pamilya ko sa Robinsons kahapon kasi may bibilhin na pagkain. Habang naroon kami sa grocery store, naisip kong humiwalay at pumunta sa expressions kasi may bibilhin ako. Matapos bilhin ang dapat bilhin, nag-pasya akong mag-ikot. Inisip ko ring hanapin ang mga kaklase ko kasi alam kong narito sila. Mamaya-maya’y nakita ko sila Nikka, mica, at cheryll. Natuwa ako at sumabit ako agad sa kanila.
Sa pagsabit ko nalaman kong gusto rin pala ni nikka bumili ng bagong swimsuit. Dumaan kami ng penshoppe kaso ang sabi ng mga tao doon eh, nasa Sta. lucia pa ang hinahanap ni nikka. Nung napadaan naman kami sa Department store may nakita akong mannequin na naka swimsuit. Hinila ko agad si nikka. Nag-ikot kami at nagsukat ng swimsuit. Ang sarap pala ng pakiramdam na mamasyal kasama ang mga kaibigan. Nagdadaldalan kami sa fitting room tapos nagtitinginan kung bagay ba o hindi ang sinukat at nagtutulungan pa sa pag-pili ng swimsuit.
May natipuhan akong swimsuit (two piece). Hindi sya katulad ng kadalasan nating nakikita na pink, blue, yellow o kung ano pang candy colored swimsuit na nakakapag-agaw ng atensyon ng mga batang tulad natin. Black and shades of blue ang combo nya. May flowers din pero hindi ka naman mahihilo sa itsura nito. Hindi naman sya masyado agaw pansin na mapapa-wow yung tao. Wala naman ito masyado masabi sa mundo, simple sya at swimsuit sya.
Sinukat ko. Ayos! Napaka-komportable ng dating basta ang sarap ng feeling. Sabi ng friends ko ayos lang naman daw.
Tamang-tama naman siya. Komportable ako kapag suot ko. Hindi ito yung tipong hihila ka ng hihila o huhugot ng huhugot. May pera nga naman ako. 495 lang siya. Maganda naman ang kulay. Kahit hindi naman mapapa-wow yung tao. Ayus lang. Kaso…may pakiramdam akong dapat makakuha ako ng swimsuit na isang tingin lang, masasabi ko nang “ito ang gusto ko” Gusto ko mapapa-wow ang tao o maraming sasang-ayon na maganda ang napili ko. Maganda ang nakuha ko pero inisip kong malaki ang mundo. Paano kung may nakita akong masmaganda? Hindi kaya magsisi ako? Baka naman masyado akong nagpapadalos-dalos?.Ayos siya pero may hinahanap pa ako. Hindi pa ako makuntento. Pinabayaan ko nalang at inisip ko na hindi lang naman yan ang makikita kong swimsuit, marami pa dyan. Maaaring maganda sya ngayon pero bukas ewan mo. Makakalimutan ko rin yan. Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Siya lang sinukat ko, siya lang ang pinili ko, hindi pa ako nagsukat at siya na nga ba ang bibilhin ko? Kahit ayos, parang ang bilis. Hindi ba delikado yun? Iniwanan na namin. Kulang sa Spark.
Matagal din kaming nag-ikot nila Nikka hanggang sa nakita naming sila Pate. Pinakita ko kay pate sabi ni Pate, ayos lang naman daw. Hindi ko parin binili.
Ikot-ikot ulit kami hanggang sa nakita ko na tatay ko tapos sinabi ko sa kanya. Binida ko yung swimsuit at sinabi kong mura lang naman tapos sabi niya, “Bakit hindi mo binili?”
Okey bibilhin ko na!
Naroon pa sila Nikka at hinatak ko naman siya agad. Masaya ako pero nagdadalawang isip parin ako. Parang ang bilis talaga. Wala man lang kahirap-hirap. Binayaran ko na ito at ilang beses kong sinusuot sa bahay. Sukat-sukat sa kwarto. Nung nakuha ko sya, ang ganda talaga! Natanggap ko na rin kasi andyan na eh. Wala na akong magagawa. If ever may nakita pa akong masmaganda yung tipong wow! Babaliwalain ko nalang siguro. Meron pa naman ako eh. O kung may pera ako bibilhin ko. Pero mukang imposible yun kasi masyado akong pihikan at mabagal sa ganyan.
Kitams? Buti nalang hinintay niya ako. Buti nalang hindi siya nabili ng iba. Kung nabili naman siya ng iba maiinis ako kasi, ang engot ko! May pera no, tapos kmoportable na hindi pa kinuha! Matapos magmukmok sasabihin kong dibale in the first place hindi naman ito ang aking dream swimsuit. Biglaan lang. Pero kung sakaling hindi ko sya nabili, hihilingin ko paring sana andun parin sya kahit alam kong marami pang iba. Pero it will pass din kasi hindi nga naman ito ang aking dream swimsuit. Lilipas din yan. Sanay na ako sa ganyan eh kasi buon buhay ko ganyan ang ugali ko.
Nakakatawa talaga. Hindi naman ganito ang dream swimsuit ko pero sinukat ko parin. Kahit maganda naman parang ayaw ko pang bilhin. Masmaganda pa ang inaasahan kong dumating kaya iniwanan ko. Pero tingnan nyo pagdating sa huli binili ko rin at hindi ako mapakali kakasukat. Naisip ko ring unique sya kasi maraming nawiwili sa candy colored swimsuits at kakaibang design bukod sa flowers. Minsan combo pa. Ganyan din ako kaya nga medyo hesitant pa akong bilhin yung swimsuit, pero matagal na pagde-desisyon ang naganap bago ko sya natanggap.
Totoo bang kung paano ka mamili ng mga bagay-bagay e parang ganon ka rin sa pagpili ng taong papapasukin mo sa buhay mo? No wonder I’m still single and happy.